Hindi na bago ang mga problemang nararanasan ng ilang atleta kalahok sa Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa.
Kasunod ito ng ilang problemang kinaharap ng mga atleta mula sa Timor – Leste, Cambodia at Myanmar kung saan ilang oras silang pinaghintay sa airport habang ang iba ay nagkaproblema sa room accomodation at pagkain sa hotel.
Ayon kay 1- Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, naranasan din ang ilang aberya sa SEA games nang ginanap ito sa Thailand at Indonesia.
Maging siya aniya ay personal niyang naranasan ang mga problemang ito sa Myanmar.
Sinisi pa ni Romero si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa naging aberya dahil ito daw ang naging bunga ng pagkaantala ng pagpasa ng budget ngayong taon kung nasaan nakapaloob ang budget sa paghahanda sa SEA Games.
Una nang nag-sorry ang pamunuan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee sa mga naranasang aberya ng naturang mga atleta.