Nanawagan ang Malacanang sa publiko lalo na sa mga lugar na apektado ng bagyong Lando na tutukan ang mga abiso mula sa local disaster risk reduction units para manatiling updated sa mga kaganapan at galaw ng bagyo.
Sinabi kahapon ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na mayroong mga alerts na ipinapadala sa pamamagitan ng social media at cellphones sakaling hindi na makapakinig sa radyo para alam kung paano kikilos sakaling magkaroon ng biglaang flash floods o landslides.
Ayon kay Coloma, nakatutok ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para maipaabot agad ang mga babala sa layuning maiwasan ang mga pinsala s a buhay at ari-arian.
“Patuloy nilang tutukan ang lahat po ng advisory, lalo na po mula sa kanilang mga local disaster risk reduction unit. Ito po ay nakabatay sa barangay, sa bayan, sa siyudad. Mayroon din pong mga alerts na ipinapadala tayo sa pamamagitan ng social media at ng mga cellphones. ‘Yung atin pong mga field units ng Philippine Information Agency ay nakatutok din sa sitwasyon”, ang sabi ni Secretary Coloma.
By: Aileen Taliping (patrol 23)