Kumikilos na umano ang iba’t ibang abogado sa buong bansa para ipanawagan ang pagbibitiw ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Inihayag ni Atty. Manuelito Luna batay sa ipinarating sa kaniyang impormasyon na ikinalulungkot umano ng mga abogado ang walang habas na pag-atake ni Sereno sa mismong Korte Suprema gayundin kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod nito, idinagdag pa ni Luna na naniniwala ang mga hindi pa nagpakilalang mga abogado na makabubuti para sa hudikatura na mapaalis agad sa puwesto si Sereno dahil hindi ito kuwalipikado sa pagiging Punong Mahistrado.
Sa kabila aniya ng pagkadismaya ng mga abogado kay Sereno, sinabi ni Luna na tanging si Integrated Bar of the Philippines (IBP) National President Abdiel Fajardo lamang ang pumapanig kay Sereno.
—-