Nagsanib puwersa ang mga batikang abogado, law professor judges at mga estudyante ng abogasya upang bumuo ng grupong lalaban sa extra judicial killings o EJK’s sa bansa.
Layon ng grupo na tinawag na Manlaban sa EJK o Mga Manananggol Laban sa Extra Judicial Killings, na gamitin ang batas upang ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay, maging malaya at maging ligtas.
Ayon kay Atty. Edre Olalia, Pangulo ng National Union of Peoples Lawyers o NUPL at isa sa convenors ng grupo, tungkulin ng bawat abogado na ipaglaban ang karapatang pantao, kahit pa ano ang maging resulta nito.
Sa panig ni Atty. Antonio Gabriel La Vinia, dating dean ng Ateneo School of Government at isa din sa convenors ng Manlaban sa EJK, hindi pa umaabot sa sukdulan ang legal na aspeto ng paglaban sa EJK kaya’t gagamitin pa nila ang mga nalalabing paraan para mahinto ito.
Nakatakdang magsagawa ng mga pagkilos at forums sa iba’t ibang panig ng bansa ang Manlaban sa EJK at magbigay ng legal na tulong sa mga biktima ng EJK.
Ilan lamang sa mga kilalang convenors ng Manlaban sa EJK sina dating Congressman Erin Taniada lll, UP at Lyceum of the Philippines College of Law Dean Pacifico Agabin, La Salle University College of Law Dean Jose Manuel Diokno, dating Congressman Neri Colmenares at maraming iba pa.