May panibagong target na naman ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay ang mga abogado na walang patumanggang nagtatanggol sa kanilang mga kliyente na inaakusahang sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Giit ng Pangulong Duterte, pinapaikot ng mga abogadong ito ang judicial process kaya’t naipagpapatuloy pa rin ng mga drug lords ang kanilang illegal activities.
Sa kanyang talumpati sa Malacañang, binigyang diin ng Presidente na kaya nahihirapan ang gobyerno na i-convict ang mga drug suspects ay dahil nakakakuha ang mga ito ng mga magagaling na abogado.
Binalikan din ng Pangulong Duterte ang karanasan niya noon bilang government prosecutor sa Davao City kung saan kahit ang mga simpleng kasong kriminal ay nagagawang i-delay ang resolusyon sa kaso.
Ayon pa sa Pangulo, mahuhusay ang mga abogadong nakukuha ng mga drug suspects dahilan upang makapagpiyansa ang mga ito at nakakabalik sa kanilang operasyon.
Dahil dito, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga abogado na posibleng isama niya ang mga ito sa giyera ng gobyerno kontra droga.
By Jelbert Perdez