Hindi mag-isang pananagutan ng mga opisyal ng Philippine International Trading Corp (PITC) ang nagaganap na pagpapark ng malaking pondo dito —may pananagutan din dito ang mga ahensya na posibleng nakikipagsabwatan para magpatago rito ng pondo.
Ito ang inihayag ni Senador Richard Gordon makaraang igiit na posibleng umabot sa pagbusisi ng katiwalian ang gagawing imbestigasyon ng senado sa PITC at mga opisyal ng mga ahensya ng gobyerno na nagpark o nagdeposito rito ng pondo.
Ayon kay Gordon, na siyang mag-iimbestiga sa isyu bilang chairman ng senate committee on government corporation, kailangang ang katiwalian dahil ang parking ng pondo sa PITC ay pagpapaikot sa batas.
Giit ni Gordon, ang pagtulog sa PITC ng pondo ng iba’t ibang ahensya ay nagdudulot ng undue injury sa gobyerno at publiko dahil naantala rito halimbawa ang pagbili ng gamot at ng kagamitan para sa pulisya at militar.
Sinabi naman ni Drilon na wala silang matibay na ebidensya sa ngayon ng katiwalian bagaman may ilang usap-usapan sa PITC ukol dito.
Pero tama aniya si Gordon na hindi maaalis ang posibilidad na may mag-ungkat sa katiwalian sa PITC.
Sa gagawing imbestigasyon ng senado, puntirya ni Drilon na pagpaliwanagin, hindi lang key officers nito o nagpapatakbo ng PITC, kundi pati ang kasapi ng board nito. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)