Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang itama umano ang mga numero sa likod ng kampanya kontra iligal na droga ng Administrasyong Duterte.
Ito’y sa pamamagitan ng real numbers PH forum na isinagawa sa isang hotel sa Ortigas center kung saan present ang mga kinatawan mula sa P.N.P., P.D.E.A., D.O.H., P.C.O.O. at Office of the President.
Partikular na nais itama ng administrasyon ang umano’y 7000 bilang ng mga biktima ng sinasabing extra judicial killings na ginagamit umano ng ilan para linlangin ang media at ang publiko.
Ayon kay PDEA Director-General Isidro Lapeña, mayroon nang naitatalang 9432 homicide cases sa bansa simula ng pumasok ang Duterte Administration noong July 1 hanggang nitong March 31, 2017.
Gayunman, mula sa naturang bilang ay 1,847 lamang anya ang mga namatay na may kinalaman sa iligal na droga habang 1,894 ang non drug related at 5,691 ang iniimbestigahan pa ng mga otoridad.
Inihayag naman ng P.N.P. na nasa 2,692 drug suspect na ang napatay ng mga pulis sa mga anti drug operations, hanggang noong April 20 na karamiha’y nanlaban umano sa mga otoridad.
By: Drew Nacino / Jonathan Andal