Naglabas na ng mahigit 23 milyong piso pondo ang Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ito’y para gamiting standby fund para sa inaasahang pananalasa ng bagyong Nona sa bansa.
Maliban sa pondo, nakalatag na rin ayon sa DSWD ang may P85 milyong pisong pondo para sa mga food packs gayundin ang mga food at non-food items para sa relief efforts na nagkakahalaga naman ng mahigit P185 milyong piso.
Kasunod nito, nakahanda na rin ang Armed Forces of the Philippines o AFP para sa gagawing humanitarian assistance at disaster response sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
NDRRMC
Samantala, itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang blue alert sa pananalasa ng bagyong Nona.
Kasabay nito, ipinabatid ni NDRRMC Executive Dir. Alexander Pama na bagama’t biyaya itong maituturing sa mga lalawigang matinding sinalanta ng El Niño o tagtuyot, peligro naman ang posible aniyang idulot nito sa mga tao.
Batay sa tala ng PAGASA, sinabi ni Pama na maraming dalang ulan ang bagyong Nona na kayang makapagpuno ng dam.
Inihalintulad pa ni Pama ang dami ng ulang dala ng bagyong Nona sa mga nagdaang bagyo tulad ng Monang noong 1993 gayundin ng bagyong Seniang noong 2014.
By Jaymark Dagala