Pinasalamatan ng Malacañang ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa matagumpay na pagdaraos ng ASEAN 50th Foreign Ministers meeting sa PICC.
Sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Martin Andanar na maaaring mailagay sa kasaysayan ng Pilipinas ang maayos na hosting nito ng ASEAN meeting.
Nakatutuwa din aniyang marinig na kontento ang mga delegado sa inilatag na paghahanda ng bansa na naging susi sa produktibo at matagumpay na meeting ng ASEAN Foreign Ministers sa bansa.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Andanar ang mga miyembro ng media na matiyagang tumutok sa anim na araw na aktibidad ng Asean Ministerial Meetings, gayundin ang mga nagtrabaho para maging matagumpay ang mga kaganapan na tiyak aniyang nagbigay na naman ng pagkilala ng international community partikular ng mga dumalo.
Matatandaang umani din ng papuri ang pamahalaan sa matagumpay na hosting ng ASEAN 2017 Summit noong Abril 26 hanggang 29, kung saan marami sa mga dumalo ang nagsabing babalik sila sa Pilipinas dahil sa magandang karanasan at magagandang tourist spots.
By Meann Tanbio