Kaliwa’t kanang aktibidad ang dinaluhan ng iba’t ibang grupo bilang bahagi ng idineklarang National Day of Protest kasabay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng Martial Law kahapon.
Pinangunahan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang isang misa sa San Agustin Church sa Intramuros kung saan, bintikos nito ang paggamit ng dahas sa pagsawata sa iligal na droga at krimen.
Pinasinayaan naman ng grupong Tindig Pilipinas sa pangunguna ni dating Pangulong Noynoy Aquino, Vice President Leni Robredo at ilang mga Liberal Party Stalwarts ang bantayog ni dating Senador Jose “Ka Pepe” Diokno sa punong tanggapan ng CHR o Commission on Human Rights sa Quezon City.
Sa kaniyang talumpati, hinimok ni VP Leni ang publiko na protektahan ang katotohanan hinggil sa madilim at masalimuot na kasaysayan ng Martial Law at huwag hayaang maulit ito.
Ibinahagi naman ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang ilang kataga mula kay “Ka Pepe” hinggil sa pagtatanggol sa karapatan ng taumbayan mula sa mapanikil na diktadurya.
SMW: RPE