Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga aktibidad para sa mga dating drug addict, police officer at mga kaanak ng mga biktima ng extra-judicial killings sa Huwebes santo, Abril a-trese.
Kabilang sa isasagawa sa misa ang ritwal na paghuhugas ng paa, sa Manila Cathedral, ala singko ng hapon o bago ang Visita Iglesia.
Labindalawa katao ang kakatawan sa labindalawang apostoles na ang mga paa ay hinugasan ni Hesukristo sa huling hapunan.
Ayon kay Fr. Roy Bellen ng Office of Communications ng Archdiocese of Manila, dalawang kaanak ng mga biktima ng EJK, dalawang government official, dalawang pulis, dalawang dating drug addict, dalawang volunteer at dalawang surrenderee ang magsisilbing mga apostoles.
Kabilang sa mga ito sina Joana Vicencio at Joseph Guinto, na kaanak ng mga napatay sa war against drugs; Dr. Ervin De La Rosa at Maria Victoria Grande mula sa gobyerno at drug surrenderees na sina Alison Salonga at George Mamañgon.
Ito ang magiging unang semana santa ng Simbahang Katolika sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng nagpapatuloy na giyera kontra droga kung saan mahigit pitong libo na ang nasasawi.
By Drew Nacino