Puspusan na rin ang preparasyon ng mga Manileño para sa pista naman ng Santo Niño kasabay ng pista ng Santo Niño De Cebu o Sinulog festival.
Nag-issue na ang Manila Police District Traffic Enforcement Unit ng re-routing schedule ngayong araw at para bukas kaugnay sa dalawang grand processions ng pista ng Sto. Niño De Tondo at Pandacan.
Ayon kay MPD Director, Chief Supt. Vicente Danao Jr, dalawang prusisyon ang isasagawa ng mga taga Tondo ngayong araw at bukas bilang bahagi ng Lakbayaw Festival.
Kabilang sa mga apektado ng re-routing ang paligid ng Tondo Church mula Ylaya Street, C.M. Recto Avenue, Asuncion, Moriones at Juan Luna Street maging ang ilan pang bahagi ng Divisoria.
Sarado rin ang ilang kalsada sa Pandacan simula kaninang alas 12:00 ng tanghali kabilang ang Jesus Street, Nagtahan East, Zamora Street at Quirino Qvenue.
Pinayuhan naman ang mga motorista na iwasan muna ang mga nasabing kalsada at humanap ng ibang alternatibong ruta.
Tinatayang 1-M deboto inaasahang daragsa sa pista ng Santo Niño De Cebu
Nasa isang milyong deboto ang inaasahang daragsa para sa pista ng Santo Niño De Cebu maging sa Sinulog Festival .
Umapela si Fr. Pacifico “Jun” Nohara Jr, rektor ng Basilica Minore Del Sto. Niño De Cebu sa publiko na sumunod sa polisiya at panatilihing taimtim ang prusisyon.
Kahapon nagsimula ang mga aktibidad sa pamamagitan ng alay-lakad para sa Birheng Maria habang bukas alas 4:00 ng madaling araw isang mañanita mass ang idaraos na susundan ng pontifical mass kasabay ng mismong araw ng kapistahan.
Tinatayang 6,000 pulis at sundalo ang idineploy para sa mga rutang daraanan ng prusisyon bilang bahagi ng security preparations.
Gaya sa traslacion ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila, naka-shutdown din ang network services ng mga telecommunications company sa basilica maging sa mga ruta ng fluvial at foot procession.