Unti-unti nang tumataas ang bilang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na gumagaling mula sa COVID-19.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP Health Service, aabot na sa 230 ang bilang ng mga bagong gumaling sa sakit na mas mataas ng di hamak sa mga bagong kaso na nasa 52 lamang.
Dahil dito, lalo pang nababawasan ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng PNP na ngayo’y nasa 947 na lang buhat sa naitalang “all time high” na mahigit apat na libo nitong halos isang buwan.
Magugunitang sinabi ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na ang mga naitatala nilang bagong kaso ng virus ay kung hindi mga asymptomatic ay nakararanas lang ng mild na sintomas kaya’t mabilis gumaling sa sakit.
Buhat nang pumutok ang pandemiya ay pumalo na sa 48,491 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa hanay ng PNP habang wala namang nadagdag sa bilang ng mga nasawi kaya’t nakapako ang bilang nito sa 127. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)