Itinanggi ni dating Commission of Higher Education (CHED) Chair Patricia Licuanan ang mga akusasyon ng Wing-An Construction and Development Corporation hinggil sa kontrobersya sa University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP) sa Cagayan de Oro City.
Una nang ibinunyag ni Engineer Selwyn Lao, pangulo ng nasabing kumpanya, na nilabag ni Licuanan ang ilang probisyon ng Graft and Corrupt Practices Act nang italaga muli ang pinaslang na si Dr. Ricardo Rotoras bilang pagulo ng USTP kahit convicted na ito sa kasong administratibo.
Batay sa affidavit ni Licuanan, sinabi nitong naitalaga muli si Rotoras bilang USTP president noon pang 2013 at 2015 nang pumasok si Lao bilang contractor sa itinatayong 200 milyong pisong halaga ng student center.
Ayon pa kay Licuanan, hindi convicted si Rotoras at sa katunayan ay ibinasura ang kasong administratibo laban dito noong Setyembre 2015.
Matatandaang nagbitiw na bilang pinuno ng CHED si Licuanan.
Tinawagan aniya siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea at hiniling na tapusin nang maaga ang kanyang termino na dapat sana ay hanggang Hulyo 2018 pa.
Binigyang-diin ni Licuanan na malinaw namang mayroong mga taong determinadong mawala siya sa CHED sa pamamagitan ng kanilang mga walang basehang akusasyon.