Isa – isang ipinaliwanag ni Atty. Larry Gadon sa House Committee on Justice ang mga alegasyon sa impeachment case na isinampa niya laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kabilang aniya sa mga paglabag na nagawa ni Sereno sa ilalim ng alegasyong Culpable Violation of the Constitution ang pamemeke ng ilang resolusyon at temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema na taliwas o hindi sinang – ayunan sa Supreme Court En Banc.
Ayon kay Gadon, mayroon siyang mga hawak na dokumento para patunayan ang pamemeke ni Sereno sa ilang resolusyon at TRO, subalit mas makakabuti kung maimbitahan ng komite si Associate Justice Teresita De Castro.
Inamin ni Gadon na hindi niya personal na narinig ang mga alegasyon mula kay De Castro kundi sinabi sa kanya ng Manila Times Reporter na si Jomar Canlas.
Dahil dito, inaprubahan na ng komite ang pag – imbita kina De Castro at Canlas sa pagdinig.
Mga abogado ni CJ Sereno ‘di naka–porma
Agad nag – alisan sa hearing ng House Committee on Justice ang mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito’y matapos ibasura ng komite ang mosyon ni Sereno na payagan ang kanyang mga abogado na ma – cross examine ang mga te – testigo sa kanyang impeachment case.
Ipinarating ni Congressman Kit Belmonte kay Congressman Rey Umali na chairman ng komite ang kagustuhan ng mga abogado na huwag nang pakinggan ang takbo ng pagdinig.
Iginiit naman ni Umali na pagbibigay payo lamang ang papel ng mga abogado kay Sereno subalit hindi nila ito magagawa dahil tumanggi namang dumalo sa pagdinig ang Chief Justice.
Labing isa (11) ang abogado ni Sereno sa pangunguna ni Atty. Alex Poblador.