Inatasan ni Interior Secretary Eduardo Año ang lahat ng mga alkalde na maging visible at pangunahan ang disaster management operations sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kasunod na rin ito ng inaasahang pagbayo ng Bagyong ‘Tisoy’ sa mga lalawigan sa Bicol Region at maging Visayas area.
Pinakilos din ni Año ang local government units (LGUs) para mahigpit na i-monitor ang sitwasyon sa karagatan at maging ang kalagayan ng mga residente sa mga mabababang lugar o sa mga ilog at landslide prone areas.
Ayon kay Año, dapat ipagbawal muna ngayon ang lahat ng tourism activities tulad ng mountaineering, surfing, hiking at diving sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Kasabay nito, inabisuhan din ni Año ang small scale miners na manatili muna sa ligtas na lugar at iwasan muna ang mining activities sa mga susunod na araw.