Kapwa inulan ng batikos mula sa mga galit na residente ang mga lokal na pamahalaan ng Makati, Pasig at Quezon City.
Sa harap na rin ito ng hindi nila pag-aanunsyo agad ng kanselasyon ng klase sa kanilang nasasakupan sa harap na rin ng patuloy na pag-ulan kahapon.
Bagama’t 11:00 na ng umaga nang mag-anunsyo si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ng class suspension sa kanilang lungsod.
Habang kapwa hindi naman natinag sina Makati Mayor Abigail Binay at Pasig Mayor Bobby Eusebio sa hindi paggawa ng anunsyo hinggil dito.
Kasunod nito, humingi naman ng paumanhin si Belmonte sa kanilang nasasakupan sabay-sisi sa PAGASA o Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration dahil sa aniya’y hindi accurate na pagtaya nito sa lagay ng panahon.
Ilan pang lalawigan sa Luzon apektado ng matinding pag-ulan dulot ng Bagyong Gorio
Maliban sa Metro Manila, nakaranas din ng pabugsu – bugsong pag-ulan ang siyam na lalawigan sa Luzon bunsod ng hanging habagat na pinaigting ng Bagyong Gorio.
Batay sa monitoring ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, naapektuhan din ng pag-ulan ang mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Bataan, Zambales, Batangas, Quezon, Laguna at Cavite.
Gayunman, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan na wala naman silang naitalang flashflood o landslide at wala rin silang naitalang mga nagsilikas na residente sa mga nabanggit na lugar.
Tuluy-tuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan ng NDRRMC sa mga lokal na pamahalaan at local disaster office upang makagawa ng mga paghahanda kung kinakailangan.
- Jaymark Dagala