Suspensyon, o di kaya ay pagpapatalsik sa puwesto.
Ito, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III, ang posibleng kahihinatnan ng mga alkaldeng nauna nang magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 kaysa sa mga nasa priority list ng pamahalaan.
Ang basa ko dito, base sa aking karanasan, baka suspindihin po sila ng Ombudsman. Worst case na ang tatanggalin na sa pwesto,” ani Densing.
Ani Densing sa panayam ng DWIZ, posibleng ngayong araw o bukas ay matanggap na ng limang alkalde ang show-cause order na kanilang ipinadala kasunod ng kanilang pagpapabakuna.
Mayroon aniyang 3-working days ang mga opisyal para sumagot at ipaliwanag ang kanilang panig.
Wala pa (opisyal na sagot), kaka-release lang namin kahapon. Siguro matatanggap nila ‘yon either today or tomorrow, then bibigyan natin sila ng 3 araw, 3 working days, to respond,” ani Densing.
Bubusisiin naman at ibeberipika ng DILG ang magiging tugon ng mga alkalde at kung hindi aniya magiging katanggap-tanggap ang mga paliwanag ng mga ito ay maghahain ang ahensya ng administrative charges sa Office of the Ombudsman laban sa kanila.
Pagbalik sa amin, iva-validate namin, magkakaroon din kami ng verification kung totoo ang sinasabi nila sa aming pag-iimbestiga… Pag nakita naming totoo at katanggap-tanggap ang kanilang eksplanasyon ay they are off the hook. Pero kung hindi, magpa-file kami ng administrative charges sa Office of the Ombudsman against them,” ani Densing.
Samantala, binigyang-diin din ni Densing na mayroon lamang itinalaga ang Pangulong Rodrigo Duterte na mapabilang sa mga unang mabakunahan bilang mga “influencers” kahit hindi medical frontliners ang mga ito.
Magugunita kasing ginagawang dahilan ng ilang alkalde na nauna nang magpabakuna na ginawa lamang nila ito upang pataasin ang kumpiyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine.
Sinasabi ko, generally ‘yung mga ‘influencers’, napag-usapan na ‘yan sa vaccine cluster… Ang pinayagan lang ng pangulo na maging influencers talaga ay si Sec. Duque, Sec. Galvez, Sec. Vince Dizon at si Chairman Abalos. Sila lang ang pinayagan na bakunahan as influencers,” ani Densing. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais