May kakilala ka bang nabiktima ng mga pabayang ama na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang sariling anak?
Posible na silang maparusahan sa hinaharap dahil inaprubahan na ng House Committee on the Welfare of Children ang House Bill No. 44 o “An Act Ensuring Child Support and Penalizing Parental Refusal or Neglect Thereof.”
Batay sa naturang panukalang batas, ang sinumang magulang na nagpapabaya o hindi nagbibigay ng suportang pinansyal sa kanyang anak, sa kabila ng pagkakaroon ng maayos na trabaho, negosyo, o anumang uri ng hanapbuhay, ay maituturing na pagtalikod sa responsibilidad.
Kapag maging ganap nang batas, mapapatawan na ng anim na buwan hanggang anim na taong pagkakabilanggo ang mga napatunayang nagkasala rito.
Iminungkahi rin sa house bill ang pagbibigay ng sustentong P6,000 kada buwan, ngunit ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) pa rin ang maghahatol kung magkano ang dapat iabot ng magulang. Kung bigo itong makapagbigay ng suportang pinansyal sa loob ng dalawang buwan o kaya naman, naipon ang utang nito sa P30,000, bukod sa parusang pagkakakulong, papatawan ito ng multang aabot sa P300,000.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo, malaki ang maitutulong ng panukalang batas sa 15 million solo parents sa bansa. Aniya, dahil dito, hindi na kakailanganin pang lumuhod at magmakaawa ang mga ina sa ama ng kanilang mga anak upang manghingi ng sustento.