Sumuko si Abu Sayyaf sub-leader Abdullah Indanan alyas Guro at 10 miyembro sa militar sa Hadji Mohammad Ajul, Basilan.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) commander Lieutenant General Alfredo Rosario Jr., isinuko ng grupo ni Indanan ang kanilang sarili kay Joint Task Force Basilan commander Brigadier General Domingo Gobway sa Barangay Serongon.
Ang grupo ni Indanan ay nagsasagawa ng operasyon sa Lamitan-Tuburan-Mohammad Adjul complex.
Ibinaba rin nila ang 11 high-powered firearms sa tropa ng gobyerno.
Nabatid na ang pagsuko ng grupo ni Indanan ay matapos mapatay sa operasyon ng militar si Abu Sayyaf sub-leader Radzmil Jannatul alyas Khubayb sa Sumisip, Basilan.
Pinuri naman ni AFP chief of staff General Andres Centino ang militar sa pinaigting na security operations sa Basilan at buong Western Mindanao. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)