Kakaunti lamang ang nagpalista o nag-apply sa emergency hiring program sa mga healthcare workers nga pamahalaan sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isang araw matapos lumagpas sa 80,000 ang bilang ng kumpirmadong kaso sa buong bansa.
Ayon kay Vergeire, marami ang nag-apply noong unang inanunsyo ng pamahalaan ang program kung saan umabot ito sa animnalibong hospital personnel.
Gayunman sa ngayon aniya ay bumagal ang bilang ng mga gustong mag-apply lalu na sa NCR o National Capital Region.
Sinabi ni Vergeire, sa ngayon ay pinag-uusapan nila sa DOH ang mga hakbang para makakuha ng mga karagdagang healthcare workers tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga unibersidad at iba pang institution.
Samantala, hindi naman matiyak ni Vergeire kung ang takot na mahawaan sa COVID-19 ang dahilan ng mababang bilang ng aplikante.