Posibleng gamitin ng House Prosecution team ang mga naging aral mula sa impeachment trials nina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at Chief Justice Renato Corona hinggil sa paghahanda para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay San Juan Representative Ysabel Maria Zamora, isa sa mga miyembro ng prosecution, ang mga nakaraang impeachment trial ay nagbibigay ng mahahalagang kaalaman kabilang na ang suporta ng publiko; legal strategy; at mga pamantayan sa ebidensya na makatutulong sa pagpapatibay ng kaso laban sa Pangalawang Pangulo.
Dagdag pa ng mambabatas, binubusisi at pinag-aaralan na ng prosekyusyon ang mga naging hakbang sa nakaraang paglilitis.
Binigyang diin din ni Congresswoman Zamora ang pangangailangang maging handa sa pagpapakita ng matibay na ebidensya sa bawat articles of impeachment.
Kaugnay naman sa gagamiting proseso, tinukoy ng kongresista ang mga naunang alituntunin ng Senado kaugnay ng kanilang papel sa impeachment trials. – mula sa ulat ni Geli Mendez (Patrol 30)