Hanggang ngayon marami pa rin sa atin ang hindi pa rin matanggap ang kinahinatnan ng laban ng ating Pambasang Kamao Manny Pacquiao nang igawad ang unanimous decision pabor kay undefeated boxer Floyd Mayweather Jr sa Las Vegas, Nevada.
Kung mismo na nga ang ating pambato na ang nagsabi na sa kayang palagay siya ang nagwagi sa laban, eh ganun din ang pakilasa ng lahat ng mga Pilipino.
Lumalabas kung susumahin natin ang sentimyento ng lahat na naniniwala na si Pacman ang nanalo sa laban, siguro ang bunton ng sisi sa paghirang kay Mayweather na siya ang big winner dito ay naka-sentro sa mga hurado.
Kung babalikan natin ang ginawa nilang botohan batay sa scorecard na isinapubliko, dalawa sa judges ang nagsabi na walong round ang dinomina ni Mayweather at ang isang hurado naman ay ibinigay ang sampung round sa Amerikano.
Samantalang apat lamang ang para kay Pacman.
Ngunit kahit na anong gawin mong pag-review sa laban, bibihirang sumuntok si Mayweather sa bawat round, at madalas ang nakikita ang pag-iwas, pagtakbo at pagyakap sa ating pambato.
Kaya nga hindi ako nagkamali sa pagtaya ko, dahil plano talaga ni Mayweather na umiwas at ang gagawin lamang nito ay idepensa ang sarili at gawing Olympic-style ang kanilang ipinagmamalaking “Fight of the Century”.
Kaya di kataka-taka na tila nagbago na ang sistema ng pagtiyak kung sino ang hari ng lona at hindi na idinadaan sa kung sino ang agresibo at pumupuntos.
Kaya naman naalala ko ang laban nina Marvin Hagler at Thomas Hearns na sa simula ng Round 1, ay talagang naming pukpukan at ang 3 minutong inilaan sa kada round ay masasabi mong napakasulit panoorin dahil walang segundong sinayang sa pagtakbo at yakapan.
At sa huli, hayaan niyong ibahagi ko ang mga natutunan natin sa labang Pacquiao-Mayweather:
Una, napatunayan lamang na si mayweather ay nanatiling number one Pound-for-pound boxer sa larangan ng boksing, at sa puntong kanyang tinalo sa Pacquiao ay kanyang pinatunayan na siya pa rin ang the Best Fighter sa kanyang panahon.
Ikalawa, kahit pala 38 anyos ka pa na boksingero, meron ka pa ring ibubuga, ito ay napatunayan din ni Bernard Hopkins na sa edad na 50 ay kaya pang maging kampeon.
Ikatlo, wala tayong aasahang rematch dito dahil balak ni Mayweather na makasagupa ang boksingerong tiyak na magbibgay sa kanyang ng isang panalo upang mapantayan si Rocky Marciano na may kartadang 49 wins at walang talo nang magretiro. Pero malayo pa si Mayweather sa narating ni Julio Cezar Chavez na noong 1993 nang maitala ang kartadang 88 wins at walang talo. Nabahiran lamang ng talo si Chavez noong 1994 nang talunin siya ni Frankie Randall via split decision. Nagretiro si Chavez na may career na 107 wins, 6 losses nang magretiro ito noong 2005.
Pang-apat, bagamat talo ang pambato ng Pilipinas, nanatiling mahal pa rin ng mga Pinoy si Pacman at itinuturing pa rin siyang bayani at total box-office-star. (Pero sa larangan ng pulitika, masusuyo ba niya ang boto ng mga Pinoy?)
At ang panghuli o panglimang ating natutunan sa laban, na ang boxing ay patuloy na nawawalan ng kredibilidad at patuloy na pagdududahan ang kanilang ilalabas na resulta, kung kaya’t marami na ang gusting lumipat sa pagtangkilik sa UFC o Mixed Martial Arts (MMA). Bukod pa riyan sa mga palpak na pangyayari tulad ng problema sa Pay-Per-View (PPV) at maraming iba pa, na sa bandang huli, pagkatapos ng laban ay walang ibang gagawin ang buong madla kungdi magkakamot ka ng ulo.