Binilinan ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga local police commander na siguraduhing walang dalang baril ang mga barangay tanod sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.
Ito’y kasunod ng pagbaril at pagpatay ng barangay tanod sa isang umano’y may diperensya sa utak na kinilalang si Eduardo Geñoga, na nag-iingay habang curfew hours sa Maynila.
Nilnaw ng PNP Chief na walang kinalaman sa pagpapatupad ng curfew ang insidente, pero pinapaalalahan pa rin niya ang lahat ng tagapagpatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) na laging obserbahan ang maximum tolerance.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang suspek na kinilalang si Cesar Panlaqui at naghahanda na ng karampatang kaso laban sa kanya.
Aalamin din aniya sa imbestigasyon kung bakit may baril ang barangay tanod at kung rehistrado ito.
Ipinaabot naman ni Eleazar ang pakikiramay sa pamilya ng biktima at siniguro na tututukan niya ang kaso para mapanagot ang suspek sa krimen.—sa panulat ni Rex Espiritu