Hinikayat ni Police Regional Office 12 Chief B/Gen. Eliseo Tam Rasco ang kaniyang mga nasasakupan na makipagtulungan para sa kanilang komunidad.
Ito ang inihayag ni Rasco makaraang pumalo na sa 76 na matataas na kalibre ng armas ang kanilang nakumpiska bilang bahagi ng umiiral na COMELEC gun ban kaugnay ng 2019 mid-term elections.
Sinabi ni Rasco, nakuha nila ang mga armas kasunod ng mga ikinasa nilang operasyon katulad ng mga checkpoints at paghahain ng search warrants simula noong Enero 13.
Nakuha aniya ang mga nasabing armas sa mga lugar ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Saranggani, Gen. Santos City, Cotabato, Koronadal, Tacurong maging sa Kidapawan na bahagi naman ng SOCCKSARGEN.
Ipinabatid rin ni Rasco na sa ngayon, nananatili pa rin ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang rehiyon at umaasa siyang magtutuluy-tuloy na ito sa kabuuan ng election period.