Tuloy na tuloy na ang pagsuko ng 75 malalakas na baril ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Independent Decommissioning Body bukas, Hunyo 16.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Government Peace Panel Chairperson Professor Miriam Coronel-Ferrer na ang hakbang na ito ay bilang panimula ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Maliban sa mga baril, sinabi ni Ferrer na kasama ring isusuko ang halos 200 combatants.
“Kaya nga po tinatawag natin itong symbolic, gayunpaman mahalaga din po ito kasi ito yung kauna-unahang pagkakataon na mangyayari ito at kumbaga ito ang ating dryrun dun sa mas malaking mga susunod na hakbang.” Ani Ferrer.
Decommissioning Rites
Nakatakdang dumalo si Pangulong Noynoy Aquino sa decommissioning o pagbababa ng armas ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na gaganapin sa Maguindanao bukas, Hunyo 16.
Ayon kay Presidential Communications Group Secretary Sonny Coloma, sasaksihan ng Pangulong Aquino ang first phase ng decommissioning process kung saan kabilang sa mga isusuko ng mga miyembro ng MILF ang 55 high-powered at 20 crew-served weapons.
Iti-turn over ang mga nasabing armas sa Independent Decommissioning Body.
Sa isasagawang decommissioning, inaasahang makatatanggap ang mga miyembro ng MILF ng 25,000 cash assistance at PhilHealth cards.
By Jelbert Perdez | Meann Tanbio | Kasangga Mo Ang Langit