Pag-aaralan pa ng pamahalaan ang pagsama sa listahan ng prayoridad na babakunahan ang mga national athletes at coaches na sasabak sa 2021 Southeast Asian Games.
Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., pag-uusapan pa anila ang posibilidad na isama sa priority lists ang mga atleta ng bansa para sa COVID-19 vaccination program.
Sa ngayon aniya ay paparating na sa bansa ang mga bakuna mula sa World Health Organization COVAX facility na mayroong sinusunod na priority list kung saan prayoridad ang mga health workers at ang mga mahihirap na komunidad.
Sinabi pa ni Galvez, na aalamin pa ng IATF kung maaaring bigyan ang mga atletang Pinoy kung mayroong sumobrang bakuna kontra COVID-19.
Samantala, magugunitang isinusulong ni Deputy Speaker Mikee Romero sa IATF na bigyan ng COVID-19 vaccine ang mga atletang sasabak sa Tokyo Olympics at SEA Games.