Kapwa iaalay ng mga sundalong atleta ang kanilang pagsabak sa 2020 Tokyo Olympics para sa mga kasama nilang nasawi at nasugatan sa pagbagsak ng C-130 Hercules aircraft ng Philippine Air Force sa Sulu.
Ito ang ipinangako nila Olympic weightlifter Hidilyn Diaz at boksingerong si Eumir Felix Marcial kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana sa kanilang virtual courtesy call nitong Lunes.
Kapwa enlisted personel sina Diaz at Marcial sa Philippine Air Force na nagdala ng karangalan sa bansa matapos ang kanilang paglaban sa larangan ng palakasan.
Kasalukuyang nasa Amerika si Marcial habang nasa Malaysia naman si Diaz na kasalukuyang nagsasanay para sa Olympics na magsisimula sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Ikinatuwa naman ni Sobejana ang pangako ng kaniyang dalawang tauhan at sinabing ang kanilang tagumpay ay tiyak na makapagpapagaan sa loob ng pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa malagim na trahedya.