Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na makabubuting direktang ipamahagi sa mga mahihirap at sa mga lokal na pamahalaan ang mga cash assistance na ibinibigay ng gobyerno, sa halip na dumaan pa sa iba’t-ibang ahensya.
Ayon kay Cayetano, halimbawa aniya kung ang gobyerno ay magbibigay ng 10,000 pesos na ayuda sa 15 million na pamilya, may matitipid na 50 million pesos na administrative cost at operating expenses para sa distribusyon, kung saan ang halagang ito ay pwede pang ipantulong sa iba.
Sinabi ito sa pagtalakay ng senado sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon kung saan nakapaloob ang 206.5 billion pesos na kabuuang halaga ng iba’t-ibang pantulong ng gobyerno sa mahihirap.
Kabilang dito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), fuel vouchers, emergency employment programs gaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at social pension para sa mga senior citizen.
Samantala, sinabi naman ni Senator Sonny Angara, Chairman ng Senate Committee on Finance na mahusay at very convincing ang logic ng mungkahi ni Cayetano, kaya lamang well-established o matatag na ang sistema dito ng gobyerno. mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)