Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na African Swine Fever (ASF) ang sakit na dumapo sa halos isang dosenang baboy na namatay sa barangay Bagong Silangan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ito ang lumalabas sa isinagawang pagsusuri ng city veterenarians office.
Pahayag ng Alkalde, mayroon din siyang natanggap na report na may mga mortality incidents din sa barangay Payatas ngunit wala pa aniyang kumpirmasyon kung namatay ang mga ito sa sakit na swine fever.
Dahil dito, agad na nagkasa ng imbestigasyon ang Quezon City Veterinarians Office hinggil sa insidente.
Binigyang-diin naman ng QC LGU, na mahigpit nilang binabantayan ngayon ang mga nag-aalaga ng baboy sa lungsod upang masigurong hindi na kumalat pa ang sakit na ASF.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng QC na walang dapat na ikabahala ang mga taga-Quezon City dahil noong una pa lamang daw na mapabalita sa ibang lalawigan na nakapasok na sa bansa ang ASF virus, agad na umano silang nagtayo ng mga checkpoint sa lahat ng entry ways sa lungsod.