Hindi na maaaring maging bodyguard ang mga bagitong pulis ng kahit na sinong Very Important Person o VIP.
Ito ang bagong direktiba ni Philippine National Police Chief Police Dir. Gen. Ricardo Marquez, sa harap ng pangangailangan ngayon sa mga pulis sa mga lansangan.
Sa kanyang pagharap sa managing patrol operations seminar ng mga pulis sa National Capital Region Police Office, iginiit ni Marquez, dapat ang mga PO1 ay nasa lansangan at nagpapatrulya.
Anya, dapat masinsinang ipatupad ang patrol 101 na binalangkas ng pamunuan ng pambansang pulisya kung saan ipakakalat sa mga barangay ang mas maraming bilang ng mga alagad ng batas.
Dagdag pa ni Marquez, dapat hanggang 3 pulis lamang ang tatao sa mga police station na gagawa ng mga trabahong administratibo.
Una nang sinabi ni NCRPO Chief Police Chief Superintendent Joel Pagdilao na sa ikalawang linggo ng Setymebre ay makukumpleto na nila ang pagbababa sa mga lansangan ng pitumpung porsyento ng mga pulis sa Metro Manila.
By: Jelbert Perdez | Jonathan Andal