Nilinaw naman ng pamunuan ng Metro Rail Transit o MRT Line 3 na tuwing weekend lamang pinatatakbo ang mga bagong bagon ng tren na binili mula China.
Ayon kay MRT 3 General Manager Roman Buenafe, ito’y dahil sa kasalukuyan pang binibili ang signalling system na aangkop sa mga bagong bagon ng tren.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 3 bagong Dahlian Train mula China ang nasa depot ng MRT at pinatatakbo sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Paliwanag ni Buenafe, hindi maaaring gamitin ang mga bagong bagon ng tren tuwing weekdays dahil mano-mano pa ang kontrol sa nasabing tren.
Maliban sa mga bagong Dahlian trains, sinumulan na rin ng maintenance provider ng MRT na Busan ang refurbishment at major overhaul sa mahigit 40 lumang bagon ng MRT na mula pa sa Czech Republic.
Dagdag na tauhan
Nangangailangan ng mga karagdagang tauhan ang pamunuan ng Metro Rail Transit o MRT 3.
Ayon kay MRT 3 General Manager Roman Buenafe, aabot sa 30 ang kinakailangan nilang bagong makinista na daragdag sa kasalukuyang 90.
Dapat may hawak na professional driver’s license, handang sumailalim sa pagsasanay at mas mainam kung may karanasan na sa pagmamaneho ng tren.
Maglalaro mula P17,000 hanggang P20,000 ang buwanang sahod sa sinumang makukuhang bagong makinista ng MRT.
By Jaymark Dagala