Tiniyak ng DND o Department of National Defense na nakaalerto sila sa mga pinakabagong hakbang ng North Korea.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Pyongyang ang pagiging matagumpay ng ginawa nilang hydrogen bomb testing.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, itinaas nila ang nasabing paghahanda bilang pagtupad na rin sa tinatawag na SOP o standard operating procedure.
Bagama’t walang epekto sa Pilipinas ang isinagawang missile testing ng NoKor, sinabi ni Lorenzana na naaalarma pa rin sila sa posibleng paglala ng tensyon sa Korean Peninsula.
AFP
Hindi muna makikialam ang AFP o Armed Forces of the Philippines kaugnay sa isinagawang hydrogen bomb test ng North Korea kamakalawa.
Ito ay ayon kay AFP Chief of Staff Eduardo Año sa kabila nang pag-aming nakakatakot ang ginagawang hydrogen bomb test ng North Korea.
Aniya, kung titignan sa perspektibo ng militar, sobrang delikado ang naging hakbang ng North Korea.
Dagdag pa ni Año, bagama’t matagal nang napag-uusapan sa national security meeting sa Malacañang ang banta sa seguridad ng North Korea ay hindi muna sila kikilos at tanging tututok sa paghahanda ng NDRRMC sakaling makaapekto sa Pilipinas ang tension sa Korean Peninsula.
By Jaymark Dagala / Krista de Dios / (May ulat ni Jonathan Andal)