Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangan ng tourism industry players at stakeholders na magkaroon ng bagong mga ideya upang mahikayat ang mas marami pang turista na bumisita sa bansa.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang pagdalo sa Philippine Tourism Industry Convergence Reception sa SMX Convention Center sa Pasay City kagabi.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na ang pagkakaroon ng mga bagong ideya ay makatutulong upang muling buhayin ang itinuturing na isa sa ”key players” sa pag-unlad ng bansa.
Kinilala naman ni Pangulong Marcos ang pagsisikap ng Department of Tourism na konsultahin ang mga Regional Tourism offices tungkol sa mga paraan upang suportahan ang pagbangon ng industriya na tinawag na “listening tours.”