Ibinida ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga bagong biling kagamitan nito sa isinagawang Combined Arms live-fire Exercise (CALFEX).
Ito’y sa pagpapatuloy ng BALIKATAN exercise 2022 sa pagitan ng mga Sundalong Pilipino at Amerikano sa Col. Ernesto Ravina Air Base sa Capas, Tarlac.
Sumaksi sa pagsasanay sina AFP Chief of Staff, Gen. Andres Centino, Northern Luzon Command Chief, Lt/Gen. Ernesto Torres Jr. at BALIKATAN 2022 Philippine Exercise Director, MGen. Charlton Sean Gaerlan.
Kabilang sa mga lumahok sa pagsasanay ang Armys 1st Brigade Combat Team gamit ang Armoured Personnel Carriers na may remote control weapons system, 105MM Howitzers at Philippine Air Force Super Tucano planes.
Sa panig naman ng Amerika, lumahok ang kanilang Infantry Brigade Command Teams, Field Artillery Battalion na may Howitzers at Mortars, 1 Engineering Battalion, at ang High-Mobility Artillery Rocket System ng US Army. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)