Iniimbestigahan na ng Department of Health (DOH) ang bagong clustering ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na natuklasan sa 13 barangay sa Cebu City.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may itinalaga nang grupo ng mga ekspersto ang kagawaran sa naturang mga barangay para pag-aralan ang sitwasyon doon.
Gayundin, ani Vergeire ay upang matukoy ang dahilan o pinagmulan ng pag-usbong ng mga bagong cluster ng kaso sa Cebu.
Sinabi ni Vergeire, kabilang sa kanilang tinitignang dahilan nito ang pagbabalik-bayan ng mga overseas filipino workers, pagkalat ng COVID-19 sa mga kulungan at ang paglawak ang kapasidad ng testing sa lungsod.
Batay sa pinakahuling tala ng DOH, kahapon, nangunguna ang Cebu City sa mga lungsod sa Pilipinas na may pinakamataas na kaso ng COVID-19 na umaabot na sa 3,216.
Habang pumapangalawa naman ang Central Visayas sa National Capital Region (NCR) bilang rehiyon na may pinakamataas na naitatalang kaso ng COVID-19.