Minaliit lamang ng Malakaniyang ang mga panibagong claims ni Peter Joemel Advincula alias ‘Bikoy’ na gawa gawa lang ng mga kaalyado ng gobyerno ang mga dokumento sa mga kinasasangkutan niyang krimen.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi na dapat pinapansin ang mga pahayag ni Advincula dahil sa kuwestyonableng pagkatao nito at kahina-hinalang background.
Ang mga kasalukuyang pahayag ni Advincula ay rehash lamang aniya ng 2016 scam plan laban sa ilang personalidad ng nakalipas na administrasyon tulad na rin nang ibinunyag ni Senate President Vicente Tito Sotto na validated naman ni PNP Chief Oscar Albayalde.
Ayon pa kay Panelo, bahala na ang publiko kung maniniwala o hindi kay Advincula na una nang nagsabing kasinungalingan ang pagbubunyag ni Sotto dahil malayo sa kaniyang tunay na pirma ang lagdang nasa sworn affidavit hinggil sa pagsasangkot umano niya sa ilang dating Aquino administration officials sa illegal drug trade.