Aarangkada na ngayong araw ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa pangunguna ni Senador Panfilo Lacson.
Ito’y para dinggin ang mga bagong pasabog ni Retired SPO3 Arthur Lascañas na magdiriin kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Davao Death Squad.
Ayon kay Senador Antonio Trillanes, bagama’t hawak na ni Lacson na siyang chairman ng komite ang affidavit ni Lascañas, marami pang detalye ang hindi naisama ruon.
Sa panig naman ni Lacson, umaasa siyang masusubukan ang kredibilidad ni Lascañas matapos baliktarin nito ang kaniyang naunang pahayag nang magsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon.
Bagong pahayag ni Ret. SPO3 Lascañas, dapat pakinggan ng senado – Sen. Bam Aquino
Samantala, tiwala si asst/senate minority leader Bam Aquino na maipapakita ng senado ngayong araw ang indpendensya nito mula sa ehekutibo.
Kasunod ito ng nakatakdang muling pagharap ni SPO3 Arthur Lascañas sa pagdinig ng senado upang bawiin ang kaniyang naunang pahayag at idiin si Pangulong Rodrigo Duterte sa DDS o Davao Death Squad.
Ayon kay Aquino, obligasyon ng senado na pakinggan at imbestigahan ang mga bagong impormasyong ilalahad sa kanila ni Lascañas na umaming pinuno ng DDS nuong alkalde pa si pangulong Duterte sa Davao city.
Magugunitang itinanggi ni Lascañas sa pagdinig ng senado nuong isang taon ang pag-iral ng DDS na una nang ibinunyag ng self confessed hitman na si Edgar Matobato.
By Jaymark Dagala