Nagbabala ang mga awtoridad sa survivors ng lindol na siguruhin munang matibay ang kanilang mga tahanan bago tuluyang bumalik dito.
Ito ay sa gitna ng patuloy pa ring aftershock na nararanasan matapos na tumama ang 6.7 magnitude na lindol sa Surigao del Norte.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mina Marasigan, kailangan masigurong matibay pa ang mga tahanan at iba pang establishment para sa kaligtasan ng mga residente.
Kaugnay nito, umapela ang NDRRMC sa mga civil at structural engineers na mag-volunteer para suriin ang mga paaralan, ospital, mall, hotel at iba pang mga establisyementong apektado ng lindol.
Una nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na posibleng maramdaman ang aftershock ng lindol sa susunod pang mga linggo.
Samantala nanawagan na ng tulong ang Surigao City para sa pagkumpuni ng mga istruktura sa lugar matapos mapuruhan ng lindol.
Sa panayam ng “Ratsada Balita” kay Surigao Vice Governor Carlos Egay sinabi nitong matindi ang naging pinsala ng lindol sa Surigao City at kalapit nitong lugar na San Francisco.
“Tinitignan pa ang structural integrity ng mga gusali dito, may mga initial reports na tayo kahapon, yun ang susuriin natin.”
Aniya sa ngayon kailangan nila ng construction material para sa muling pagkukumpuni ng mga nasirang gusali at bahay sa lugar.
Tiniyak ni Egay na patuloy ang pagbibigay nila ng assistance sa mga survivor ng lindol partikular ang pangangailangan nito sa malinis na inuming tubig.
“All over the city ay wala pong water supply, sa ngayon nag-iikot na tayo para sa rasyon ng tubig katulong ang BFP. Yung Red Cross may darating na water filtration tank para naman sa inuming tubig.”
By Rianne Briones | Aiza Rendon | Ratsada Balita (Interview)