Pansamantalang papalitan ng mga next-in-rank employees ang mga nabakanteng posisyon ng opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na sinuspinde ng Office of the Ombudsman.
Ito ay ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, alinsunod aniya sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Panelo, pansamantalang gagampanan ng mga susunod na ranggo na opisyal o empleyado ang tungkulin ng mga BuCor officials habang umiiral pa ang suspension order sa mga ito.
Magugunitang, pinatawan ng anim na buwang suspension ni Ombudsman Samuel Martires ang 30 opisyal ng BuCor dahil sa kontrobersiya sa pagpapalaya sa halos 2,000 mga convict sa mga itinuturing na heinous crimes sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Samantala, sinibak na rin sa pwesto ni Pangulong Duterte si BuCor Chief Nicanor Faeldon dahil sa kaparehong kontrobersiya.