Nagpahayag ng suporta ang kalipunan ng mga ulama sa Pilipinas at ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa kampaniya ng pamahalaan hinggil sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Inihayag ito ni NCMF Sec. Saidamen pangarungan matapos humingi ng tulong ang Department Of Health (DOH) sa mga pangkat pang-relihiyon na palakasin ang vaccination plan ng gubyerno kontra sa nakamamatay na virus.
Ayon kay pangarungan, kinonsulta na nila ang kalipunan ng mga ulama sa Pilipinas at positibo naman ang kanilang naging pagtanggap sa alok na bakuna.
Giit pa ng opisyal, maituturing na halal ang mga bakuna kontra COVID-19 lalo’t nagbibigay proteksyon ito sa mga tao lalo na kung ito lang ang katangi-tanging paraan para masawata ng tuluyan ang pandemiya.
Gayunman, hindi pa nasusuri ng kanilang certifying body kung halal o hindi ang mga nakuhang bakuna ng Pilipinas kaya’t hihintayin muna nila ang magiging deklarasyon nito.
Una rito, ilang fatwa o kautusan na ang inilabas ng saudi arabia na naghahayag na halal ang mga bakunang gawa ng Pfizer BioNTech at ng AstraZeneca dahil sa walang anumang sangkap mula sa hayop ang kanilang mga gawang bakuna. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)