Papayagan nang pumasok sa Boracay sa Malay, Aklan ang mga bakunadong turista kahit walang ipapakitang negatibong swab test result.
Sa isang virtual press conference, binanggit ni Aklan Governor Florencio Miraflores na gagawin ang hakbang upang buhayin ang industriya ng turismo sa isla.
Bagama’t mandatory pa rin ngayon ang negative RT-PCR test, sinabi ni Miraflores na maglalabas siya ng executive order sa katapusan o sa susunod na buwan upang opisyal nang maalis ang nasabing requirement.
Gayunman, bago payagang pumasok sa isla, kailangang magpakita ng vaccination certificate ang mga turista mula sa www.vaxcert.gov.ph, maliban sa iba pang documentary requirements tulad ng reservations mula sa isang hotel na accredited ng Department of Tourism, travel details, valid identification card, at maging ang kanilang Swift, Safe and Smart Passage o S-PaSS enrollment.