Aminado ang Task Force Ranao na posibleng matagalan pa bago mabuksan sa sibilyan ang main battle area sa Marawi City.
Ayon kay Col. Romeo Brawner, Deputy Commander ng Task Force Ranao, maingat ang ginagawa nilang clearing operations dahil marami pang naiwang pampasabog sa lugar.
Bukod dito, halos 39 na Maute-ISIS pa ang di umano’y nasa main battle area, base sa impormasyong nakuha nila sa nadakip na Indonesian national na kabilang sa Maute-ISIS.
Delikado pa rin aniya maging ang lawa na nasa main battle area dahil marami pang nahulog na bomba doon.
“Tuloy-tuloy pa rin ang recovery ng cadavers bagamat hindi makapasok yung mga civilian teams natin, mga sundalo muna ang nagre-recover at dinadala sa Maqbara Cemetery kung saan sinasalo ng forensic teams at doon inililibing, marami pa rin pong unexploded ordnance kaya medyo delikado pa rin po, wala po tayong ibinigay na deadline, yung ibang teams na andito yung iba kailangang tumulong sa ASEAN” Ani Brawner
Samantala, tuloy-tuloy naman aniya ang pagbabalik ng mga residente sa mga barangay na nasa labas ng main battle area.
Una nang nakabalik ang mga evacuees sa Barangay Basak Malutlot, East Basak at Poblacion gayundin sa Barangay Lukso Dato at Barrio Green.
“Ang gumagawa nito ay Task Force Bangon Marawi, ang pagkakaintindi ko po ay merong mga recommendation pero wala pang approved master plan, tuluy-tuloy po ang rehabilitation natin sa Marawi City, isang focus natin ay ang pagbabalik ng mga internally displaced persons o mga bakwit.” Pahayag ni Brawner
Samantala, posibleng magpatayan na lamang ang mga natitira pang Maute-ISIS sa main battle area ng Marawi City.
Ipinahiwatig ito ni Brawner kasunod ng pagkakaaresto nila sa Indonesian national na kasapi ng Maute-ISIS.
Ayon kay Brawner, gutom na gutom at pagod na pagod ang dayuhang terorista nang ito ay madakip.
Nakuha aniyang makalabas ng Indonesian national sa main battle area makaraang patayin rin nito ang dalawa pang Indonesian national na kasamahan nila sa Maute-ISIS.
“Nakita nila itong isang tao na naglalakad at mukhang hinang-hina, basang-basa ang damit niya, hinuli nila, nagpakilalang military ang intelligence asset pero nakita nila na hindi Pilipino ang features niya kaya tinurn-over sa PNP at totoo nga po nakita sa possession niya ang Indonesian passport niya at Indonesian passport ng mga kasamahan niya na pinatay niya para makatakas siya, doon po sa kanila kapag tumakas ka ay sila mismo ang papatay sayo.” Dagdag ni Brawner
LOOK: Mugshots of arrested Indonesian fighter linked to Maute. He’s now in custody of CIDG at Camp Crame @dwiz882 pic.twitter.com/LqmEsuSbMc
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) November 2, 2017
(Balitang Todong Lakas Interview)