Maaaring i-avail ng mga balik-bansang Overseas Filipino Workers (OFWs), dokumentado man o hindi, ang libreng coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab test, hotel quarantine at transportasyon pauwi ng probinsya mula sa pamahalaan.
Ito ang inihayag ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Head Hans Cacdac bilang paglilinaw sa katanungan ng mga stranded na OFWs sa United Arab Emirates.
Ayon kay Cacdac, karaniwang itinatanong ng mga OFWs ay kung kuwalipikado ba sila sa nabanggit na COVID-19 protocol sakaling babalik sila ng Pilipinas sa sariling gastos o sa pamamagitan ng repatriation efforts.
Sinabi ni Cacdac, hindi naman sakop ng libreng swab tests, quarantine at transportasyon pauwi ng probinsiya ang mga biyahero mula UAE na may hawak na visit visa at walang patunay ng employment.
Samantala, umaabot na sa mahigit 2,200 mga Pilipino sa Dubai at Northern Emirates ang natulungan ng konsulada ng Pilipinas sa Dubai na makabalik ng bansa.