Ipagbabawal ng consultative committee o con-com ang mga balimbing o ang palipat-lipat ng partido-pulitikal sa isinusulong na federalismo.
Ito ang probisyong napagkasunduan sa En Banc meeting ng Con-Com na ipaloob sa kanilang ibinabalangkas na Federal Constitution.
Pinagbabawalan na ang mga maluluklok sa posisyon na lumipat ng partido sa buong panahon ng kanilang panunungkulan habang ang kandidato naman ay hindi maaaring lumipat ng bakod sa loob ng dalawang taon at bago matapos ang eleksyon.
Ang mga lalabag dito ay matatanggal sa puwesto at bawal ng maitalaga sa anumang posisyon, hindi na rin ito maaaring kumandidato sa kasunod na eleksyon at ibabalik ang ginastos ng partido para sa kanyang kampanya.
Kakanselahin naman ng Commission on Elections o COMELEC ang akreditasyon ng sinumang partido na tatanggap sa balimbing na opisyal.
Una nang inatasan ang Con-Com na magsagawa ng pag aaral at magbigay ng mga rekomendasyon sa pagbabago sa konstitusyon na aakma sa isinusulong na federalism.
—-