Matagal nang dapat naisama sa listahan ng mga terorista ang National Democratic Front o NDF bilang kakambal ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army o CPP-NPA.
Ito’y ayon kay National Security Adviser Sec. Hermogenes “Jun” Esperon Jr makaraang pormal na ring ideklara ng Anti-Terrorism Council ang NDF bilang isang terrorist organization.
Sa virtual briefing ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, sinabi ni Esperon na mismong si CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison ang nagbunyag sa kanilang relasyon sa NDF mula pa noong 1987.
Sa panig naman ni National Intellegence Coordinating Council o NICA Dir/Gen. Alex Monteagudo, dahil sa pormal nang naisama sa listahan mga terrorista ang NDF, maaari nnang i-freeze ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang lahat ng bank assets nito.
Aabot aniya sa 20 bank accounts ng mga indibiduwal na una nang nabansagang terrorista ang binubusisi ngayon ng AMLC subalit kailangan pang imbestigahan kung may iba pa itong maaaring pagkunan ng pondo na dapat na ring mahinto. —Jaymark Dagala (Patrol 9)