Pinaalalahanan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bansa sa Asya na maging alerto kaugnay sa banta ng North Korea.
Sa kaniyang mensahe sa mga bisitang opisyal ng Australia sinabi ng Pangulo na hindi birong pinsala sa buhay at ari-arian sakaling sumiklab ang giyera dahil sa tensyon sa Korean Peninsula kayat dapat maging alerto sa mga kilos ni North Korean leader Kim Jong Un.
Ayon sa Pangulo dapat maging mapagmatyag at higit na pagtibayin ang alyansa sa pagitan ng mga bansa sa buong mundo dahil walang nakakaalam kung ano ang naiisip ng aniya’y utak kriminal na lider na mahigpit sa mga mapaminsalang armas.
Bago umalis ang Pangulo ay nagbiro pa ito sa Australian Navy Officials na kung may balak na i decommission ang HMAS Adelaide ay maari na nila itong iwan sa bansa at bibigyan na lamang ang mga ito ng ticket pabalik sa Australia.
Ang HMAS o Her Majesty Australian Ship Adelaide ay isa sa pinaka-moderno at sopistikadong helicopter landing ship ng Australia at ang pagdaong sa bansa ay bahagi ng goodwill visit na una nang ginawa sa Indonesia.
—-