Nadagdagan pa ang listahan ng mga bansang pansamantalang ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga processed pork meat products bunsod ng pinangangambahang kaso ng African Swine Fever.
Sa abiso ng FDA o Food and Drugs Administration, hindi na rin muna maaaring mag-import ng mga produktong karne ng baboy mula sa Hong Kong, North Korea, Laos at Germany na apektado rin ng ASF virus.
Magugunitang noong Hunyo, nagpatupad na ng ban sa pag-aangkat ng karne ng baboy ang FDA sa Belgium, Bulgaria, Cambodia, Czech Republic, Mongolia, Moldova, South Africa, Vietnam at Zambia.
Habang una na ring ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-import ng mga produktong karne ng baboy sa China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia at Ukraine noong Setyembre ng nakaraang taon.
Tiniyak naman ng BOC o Bureau of Customs ang mahigpit na pagbabantay sa lahat ng point of entry, pantalan at paliparan sa bansa para mapigilan ang pagpasok ng mga karneng baboy at processed meat products mula sa mga bansang apektado ng ASF.