Binalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay official laban sa pag-eendorso o pangangampanya para sa sinumang kandidato sa eleksyon.
Binigyang-diin ni DILG Undersecretary Martin Diño na ang pagbabawal ay nakasaad sa Omnibus Election Code na pinagtibay ng Commission on Elections (COMELEC) at Civil Service Commission (CSC) sa pamamagitan ng iba’t ibang kautusan.
Ayon kay Diño, ang sinumang barangay official na mapapatunayang guilty, ay maaaring ma-suspinde o sibakin sa pwesto.
Kabilang anya sa mga ebidensyang maaaring gamitin ay mga larawan o video ng mga insidente na nagpapakitang ikina-kampanya ng mga barangay official ang mga kandidato.
Tanging ang mga opisyal na nasa mas mataas na national at local position ang exempted sa CSC at COMELEC rule.
Una nang pina-alalahanan ng CSC ang mga civil servant na iwasang mangampanya para sa mga kandidato upang matiyak na nakatutok sila sa kanilang mga tungkulin.