Pananagutin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng barangay officials na nakisangkot o nagpagamit sa mga kandidato nitong eleksyon.
Tinukoy ni DILG Undersecretary Martin Diño ang mga barangay officials na nangampanya at tumulong sa pagkuha ng mga watchers para sa mga kandidato.
Ayon kay Diño, hindi sila nagkulang sa paalala sa mga barangay officials na hindi sila dapat makisawsaw sa eleksyon.
Sinabi ni Diño na maituturing na isang klase ng vote buying ang ginagawa ng mga barangay officials na nangangako ng bayad sa mga magsisilbing watchers para sa mga kandidato.
Una rito, napaulat ang vote now pay later scheme sa isang barangay sa Butuan City.
“Ang tigas ng ulo nila eh sinabi sa kanila huwag silang mag-direct participation dito. Ang ibang kandidato diyan sila yung kumuha ng mga watcher, ang masakit dito kumuha ng watcher sa kabila at kumuha din ng watcher sa kabila, so sila ang nag-managed both sides kaya hindi malayo na marami ang mag-file ng complaint.” Pahayag ni Usec. Diño.
Tiniyak ni Diño na hindi makakaligtas ang sinumang barangay official na nasangkot sa vote buying kahit pa tapos na ang eleksyon.
“Actually, kahapon pumunta si Rep. Monsur Del Rosario, we are just waiting para doon sa mga video evidences sa vote buying sa Makati. Meron pa mga nag-submit ng mga actual vote buying sa kanya, according to him.” Dagdag ni Usec. Diño.